Pinaalalahanan ni Senate Basic Education Committee Chairperson Senador Sherwin Gatchalian ang mga school principal, na mayroon silang otoridad na suspendihin ang klase sa kanilang paaralan kung tataas ng husto ang temperatura sa kanilang lugar.
Ito ay kasunod na rin ng pahayag ng PAGASA, na maaaring pumalo pa ng 50 degrees celsius ang temperatura sa ilang lugar sa Pilipinas ngayong summer season.
Paliwanag ni Gatchalian, mayroon nang existing department order ang Department of Education (DepEd) kaugnay nito.
Dapat aniyang palaging mag-monitor ang mga principal sa mga weather forecast, at agad na kanselahin ang klase kung makikitang sobrang taas ng magiging temperatura sa susunod na araw.
Bukod sa suspensyon ng klase ay sinabi rin ng senador, na pwedeng magpatupad ang mga paaralan ng blended learning.
Hinimok rin ni Gatchalian ang mga paaralan, na iwasan na muna ang pagkakaroon ng outdoor activities ngayong summer para na rin sa kalusugan at kaligtasa ng mga estudyante at school staff.
Idinagdag pa ng mambabatas, na maaari ring gamitin ng mga paaralan ang kanilang maintenance and other operating expenses (MOOE), para bumili ng mga electric fan at iba pang gamit na makakatulong na maging komportable ang klase ngayong tag-init. | ulat ni Nimfa Asuncion