Nanawagan si Assistant Minority Leader at Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na i-certify as urgent ang mga panukalang nagsusulong ng across-the-board nationwide wage increase.
Ayon kay Brosas dapat ay gawing prayoridad ng pamahalaan ang naturang mga panukala lalo at nananatiling mataas ang presyo ng batayang bilihin at serbisyo.
“The pile of proposed bills granting wage increase is already catching dust both in the House of Representatives and Senate. Sa tindi ng kinakaharap na krisis ng ordinaryong mamamayan, hindi tama na manatiling bulag, pipi, at bingi ang gobyerno sa kanila panawagan na dagdag-sahod,” diin ni Brosas.
March 13 nang kaniyang ihain ang House Bill 7568 para sa ₱750 across-the-board and nationwide wage increase sa mga manggagawa sa pribadong sektor.
Nitong Miyerkules ay inihain naman ni TUCP Party-list Representative Raymond Democrito Mendoza ang ₱150 wage increase para sa private sector employees.
Isang kahalintulad na panukala rin ang unang inihain ni Cavite Representative Jolo Revilla.
Dahil dito kinalampag ng lady solon ang House leadership na unahing dinggin ang wage bills upang tugunan ang bumababang halaga ng suweldo ng mga manggagawa. | ulat ni Kathleen Jean Forbes