Umaasa si Negros Oriental Representative Arnulfo Teves Jr. na magkakaroon pa rin siya ng pagkakataon na makausap si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa panayam sa mambabatas sa telebisyon, sinabi nito na kaniyang kinausap si Raymond Ablan, kaniyang kaibigan at isa sa business partner at pinsan ng Pangulong Marcos Jr.
Kwento ni Teves, tinawagan niya si Ablan at hiniling dito na ipaabot kay Pangulong Marcos na nais siyang makausap ni Teves.
Kung matatandaan sa kaniyang Facebook video noong March 22, nanawagan ito sa presidente kung maaari niyang ipadaan ang tawag kay Special Assistant to the President Anton Lagdameo upang kaniyang maipaliwanag ang kanyang panig.
Ani Teves, gusto na niyang makausap ang Pangulo dahil gusto na rin aniya niya talagang umuwi.
“Gusto kong makausap sana si presidente dahil gusto ko nang umuwi. Di ba last time sa video ko sabi ko ‘Mr. President baka pwede ako tumawag sa telepono ni boss Anton Lagdameo para makapagusap kami ni presidente sa telepono.’ Kailan lang kinausap ko si Raymond Ablan. Pinsan ni presidente, kaibigan ko yun, business partner ko yun. Sabi ko ‘Boss Raymond, can you tell your cousin if we could talk.’ Because gusto ko talagang umuwi maam I miss home. I really miss home. I miss working” ani Teves.
February 28, nang lumipad si Teves pa-Estados Unidos para sa isang medical procedure.
Hanggang March 9 lamang ang ibinigay na travel authority ng Kamara sa biyahe ng mambabatas, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa ito nagbabalik bansa. | ulat ni Kathleen Forbes