Nagpasalamat si Office of Civil Defense Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno sa lahat ng bansang tumulong sa oil spill operations sa Oriental Mindoro.
Sa isang pahayag, sinabi ni Nepumoceno dahil sa malakas na international assistance at sa integrated response ng mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan ay inaasahang mas mapapapabilis ang containment ng tumatagas na langis at pag-mitigate sa epekto nito sa kapaligiran.
Ang pahayag ay ginawa ng kalihim kasunod ng pagsisimula ng “bagging” operations ng Philippine Coast Guard at Japanese dynamic positioning vessel (DPV) vessel Shin Nichi Maru, para i-seal ang mga tumatagas na butas ng lumubog na MT Princess Empress gamit ang Remotely Operated Vehicle (ROV).
Ang mga “bag” na ginagamit para mapigilan ang pagtagas ng langis ay pinadala naman ng United Kingdom.
Dumating din nitong Sabado ang mga tauhan ng Korean Coast Guard sa Unified Incident Command Post (UICP) sa Calapan City para talakayin sa Incident Commander at PCG Commodore Geronimo Tuvilla ang pag-improve sa response operations.
Dumating na rin sa bansa ang Pacific Valkyrie, isang anchor handling vessel na may dalang ROV, na kinontrata ng Estados Unidos, para tumulong sa pag-survey ng lumubog na MT Princess Empress. | ulat ni Leo Sarne
: Philippine Coast Guard