Nanindigan si PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo na hindi kinukunsinte ng PNP ang pagbibigay ng bahagi ng nakumpiskang shabu bilang gantimpala sa mga informant.
Ang pahayag ay ginawa ni Fajardo kaugnay ng sinabi ng isa sa mga pulis na sangkot umano sa pangungupit ng 42 kilo ng shabu mula sa 990 kilo ng shabu na nakuha sa lending agency na pag-aari ni Police Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr.
Ayon umano kay PSMS Jerrywin Rebosora, ang “kinupit” na shabu, na naisauli din, ay gantimpala sana para sa impormante.
Sinabi ni Fajardo na iniimbestigahan na ng PNP ang impormasyong ito, at hinahanap ang sinasabing impormante na pagbibigyan ng naturang bahagi ng nakumpiskang shabu.
Tiniyak pa ni Fajardo na ang sinumang tauhan ng PNP na mapatunayang sangkot sa ganitong gawain ay papatawan ng buong pwersa ng batas. | ulat ni Leo Sarne