Nanawagan sa pamahalaang Marcos ang iba’t ibang environment advocate groups na ihinto na ang paggamit ng fossil fuel na nakasisira sa kalikasan na lubhang nakakaapekto sa kalusugan at nagdudulot ng polusyon sa kapaligiran.
Kasabay ng Earth Day, inilunsad ang #WagGas ng ilang grupo na apektado ng gas project gaya ng environmental and clean advocates, fisherfolks, civil society organizations, labor groups bukod sa iba pa upang pigilan ang massive fleet ng panukalang gas power project at liquefied natural gas (LNG) import terminals sa bansa.
Ayon kay Bishop Gerry Alminaza ng Diocese of San Carlos, nakakaalarma ang epekto ng fossil fuel sa klima, presyo ng elektrisidad, komunidad, kabuhayan, at kapaligiran.
Sinabi naman ni Larry Pascua ng Philippine Movement for Climate Justice na dapat ipasara ng Pangulong Marcos ang fossil fuel dahil malalagay sa panganib ang mamamayan.
Partikular na tinukoy ng grupo ang paglalagay ng fossil fuel plant sa Batangas na lalong magpapalala sa init ng panahon.
Imbes na paglaanan ng pondo ang naturang proyekto ay ibaling anila sa ibang alternatibo tulad ng renewable power energy gaya ng solar power.
Nanawagan din sila para sa proteksyon ng mga baybayin at marine ecosystem kung saan ang mga komunidad ay naninirahan at nakasasalalay ang kanilang kabuhayan. | ulat ni Lorenz Tanjoco