Unti-unti nang nabubuo ang kuwento sa nangyaring pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at sa walong iba pa.
Ito ang inihayag ng binuong Special Task Force Degamo Chairperson at DILG Secretary Benhur Abalos Jr. kasunod ng pagkaka-aresto ng isa sa mga itinuturong mastermind sa kaso na si Marvin Miranda.
Ayon kay Abalos, kung babalikan aniya ang mga kuha ng CCTV sa compound ng mga Degamo noong March 4, makikitang planado at sadyang pinaghandaan ang naturang pag-atake.
Sa panig naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, malaki ang ginampanang papel ni Miranda para mabuo aniya ang “casting” sa pagpatay kay Gov. Degamo bilang siya ang itinuturo ng 11 suspek sa nasa kustodiya na ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI).
Habang tahasan namang tinukoy ni Remulla si Negros Oriental 3rd District Representative Arnulfo “Arnie” Teves Jr. naman ang tumatayong executive producer dahil sa kaniya nagmumula ang kumpas sa pangyayari.
Kasunod nito, muli namang tiniyak ni Remulla na “air tight” ang mga kasong isasampa laban sa mga sangkot sa krimen na nakabase aniya sa ebidensya.
Sa huli, naniniwala si Remulla na politika ang malinaw na motibo sa pagpatay kay Gov. Degamo batay na rin sa salaysay ng mga suspek na kanilang hawak sa ngayon. | ulat ni Jaymark Dagala