Paglalantad ng sindikato sa PNP, ipinagmalaki ni dating PNP Chief Azurin

Facebook
Twitter
LinkedIn

Ibinida ni dating PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. ang paglalantad ng sindikato sa PNP.

Ang pahayag ay ginawa ni Azurin sa kaniyang pagbaba sa pwesto bilang ika-28 PNP Chief ngayong umaga sa Camp Crame.

Ito’y sa gitna ng kontrobersya sa umano’y pangungupit ng ilang mga pulis ng bahagi ng narekober na 990 kilo ng shabu noong nakaraang taon.

Sinabi ni Azurin na naging epektibo ang kaniyang stratehiya na “apakan ang buntot para lumitaw ang ulo” sa paghahanap ng mga tiwaling pulis sa loob ng organisasyon.

Gayunman, binigyang diin ni Azurin na wala siyang pinangalanan hangga’t hindi matibay ang ebidensya laban sa mga ito.

Bilang pinuno ng 5-man advisory group na sumala sa courtesy resignation ng mga 3rd Level Officers ng PNP sa layong matukoy ang mga opisyal na may kinalaman sa iligal na droga, sinabi ni Azurin na ginawa nila ng patas ang kanilang trabaho.

Matatandaang, isinumite na ng 5-man advisory group sa NAPOLCOM at kay DILG Sec. Benjamin Abalos noong nakaraang linggo, ang kanilang kumpletong rekomendasyon kung sino sa mahigit 950 na nagsumite ng Courtesy resignation ang dapat pagbitiwin sa serbisyo. | ulat ni Leo Sarne

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us