Suportado ni House Speaker Martin Romualdez ang hakbang ng Harvard University na magbukas ng kurso o programa kung saan ituturo ang ‘Tagalog’.
Ani Romualdez, isang bagay na maipagmamalaki ng mga Pilipino na mapabilang ang isa sa wika nito sa mga programang ituturo ng unibersidad.
Umaasa din ang House leader na yumabong ang naturang kurso at magbukas din ng iba pang programa ang Harvard para sa pag-aaral ng iba pang aspeto ng kulturang Pilipino.
“We express our gratitude to Harvard University for recognizing the need to teach the Filipino language to those interested to learn about our rich and diverse culture. Once again, our country is in the spotlight of the world stage, and I have never been so proud to be a Filipino.” Saad ng House Speaker.
Maliban sa Tagalog ay ituturo na rin sa Harvard ang Bahasa Indonesia at Thai.
Bago ito ay humarap si Speaker Romualdez sa mga opisyal, faculty at estudyante ng Harvard University’s John F. Kennedy School of Government.
Sa kaniyang mensahe, tiniyak ng House leader ang commitment ng ating Kongreso na mapatatag ang PH-US partnership.
Ibinahagi rin nito ang foreign policy ng bansa na pagiging ‘friend to all at enemy to none’
“Remember, however, that PH-US relations continue to be an unfinished project. Our task is to build upon the strong foundations of the past in order to achieve a common future of shared objectives and mutual prosperity. I hope that all of you here today realize that we can all be important partners in this regard,” bahagi ng talumpati ni Romualdez. | ulat ni Kathleen Jean Forbes