Tagumpay para sa Filipino seafarers ang desisyon ng European Commission na patuloy na kilalanin ang Philippine-issued certificates para sa mga mandaragat.
Ayon kay OFW Partylist Representative Marissa “Del Mar” Magsino, dahil sa desisyon na ito ng EU ay makakahinga na ng maluwag ang ating mga seafarer na muntik nang mawalan ng trabaho.
Una na kasing inabisuhan ng European Commission ang Pilipinas na kung hindi makakasunod sa Standards of Training, Certification and Watchkeeping for seafarers (STCW) ang bansa ay hindi na kikilalanin ang STCW certificates na inbinibigay ng Pilipinas.
Bagay na banta sa hanapbuhay ng maraming Pilipinong mandaragat.
Kasabay nito ay kinilala ni Magsino ang maritime industry stakeholders at ahensya ng pamahalaan na umaksyon para ayusin ang isyu.
Pagtitiyak pa ng lady solon na patuloy niyang tututukan ang pagsasa-ayos ng maritime education sa bansa.
“Our Filipino seafarers raise high and proud the banner of our country in wherever shore they reach. Their significant contributions to the national economy, made possible by their personal sacrifices, make them our modern-day heroes. Ang mga bida ng ating bayan! Kaya ako’y natutuwa sa good news na bumungad ngayon sa ating mga marino. Tututukan natin ang mga hakbang ng pamahalaan sa patuloy na pagtaas ng kalidad ng maritime education lalo na sa gitna ng mahigpit na labanan sa seafarer’s world labor market,” pahayag ni Magsino. | ulat ni Kathleen Jean Forbes