Nagpasalamat si PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. sa Malaysian authorities sa kanilang tulong sa pag-aresto ng wanted na NPA lider na si Eric Jun Baring Casilao na nagtago sa naturang bansa.
Si Casilao at ang kanyang party wife na si May Vargas Casilao ay may mga warrant of arrest sa iba’t ibang kaso, kabilang ang kidnapping at serious illegal detention, at attempted murder.
Hiningi ng PNP ang tulong ng Royal Malaysian Police Force matapos na magtago ang dalawa sa Malaysia, upang takasan ang mga awtoridad sa Pilipinas.
Si Casilao ay nai-deport sa Pilipinas kahapon matapos na maaresto sa Langkawi immigration check-in counter noong Abril 1, habang patungo ng Thailand gamit ang mga pekeng travel documents.
Ayon sa PNP Chief, si Casilao ay ihaharap sa korte ng Davao de Oro para sa return of warrant of arrest.
Sinabi ng PNP Chief, na ang matagumpay na operasyon ay testamento ng mahusay na pagtutulungan ng PNP sa kanyang mga foreign counterpart sa laban kontra sa terorismo at kriminalidad. | ulat ni Leo Sarne