Nagpasalamat si PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. sa Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kay Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III sa itatayong bagong National Headquarters (NHQ) Building ng PNP.
Sa flag raising ceremony ngayong umaga, sinabi ni Gen. Azurin na ang pagpapatayo ng bagong gusali ay naging posible sa 1.2 bilyong pisong pondo na inilaan ng pambansang pamahalaan.
Espesyal na pinasalamatan ni Azurin si Sen. Pimentel sa 200 milyong piso na iniambag nito sa naturang halaga; at si Sen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na kabilang sa mga nag-apruba ng pondo para sa proyekto.
Ayon kay Azurin ang bagong gusali ay magkakaroon ng walong palapag at roof deck, at dalawang (2) palapag na basement parking.
Ito ang magiging bagong tanggapan ng PNP Command Group at mga PNP Directorate.
Sinabi ni Gen. Azurin na ang bagong gusali ay isang milestone sa kasaysayan ng PNP, na makakatulong sa “professionalization” ng kanilang hanay tungo sa mas mahusay na paghahatid ng serbisyo sa mga mamamayan. | ulat ni Leo Sarne