Umapela si PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. na mag-ingat sa mga nagbibigay sa kaniya ng maling impormasyon.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, giit ng PNP Chief na mali ang impormasyong nakarating sa kalihim na may tangkang cover-up sa 990 kilos ng shabu na nakumpiska sa Maynila noong nakaraang taon.
Kasunod nito, kanya ring itinanggi na may tangkang i-abswelto si Police Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr. na naaresto sa operasyon at sinasabing may -ari ng lending company na pinag-imbakan ng ₱6.7 billion na shabu.
Ayon sa PNP Chief ang maling impormasyon na nakarating sa kalihim ay bahagi ng tangka ng sindikato sa loob ng PNP na guluhin ang imbestigasyon ng binuong Special Investigation Task Group na nag-iimbestiga sa naturang operasyon.
Paliwanag ng PNP Chief, naging maingat lang at detalyado ang imbestigasyon ng SITG para masigurong may ebidenysa laban sa mga akusado bago maglabas ng impormasyon sa publiko.
Hindi kasi aniya makatarungan para sa mga matitinong opisyal ng PNP na agad akusahan sa publiko base lang sa kuha ng CCTV nang walang kaukulang imbestigasyon. | ulat ni Leo Sarne