Brgy. Chairman ng Pasong Tamo, QC, nagpasaklolo sa Ombudsman matapos ipitin ng kanyang mga Kagawad ang panukalang budget ng Barangay ngayong taon
Sumulat na sa Office of the Ombudsman si Chairman Mar Tagle ng Brgy. Pasong Tamo Quezon City para isumbong ang lima niyang Kagawad dahil sa kabiguan ng mga ito na aprubahan ang kanilang ₱112 million na 2023 proposed budget.
Sabi ni Chairman Tagle, mula Enero 2023 hanggang ngayon, re-enacted budget ang ginagamit ng kanilang Barangay dahil ilang beses umanong tinanggihan na pagtibayin ang panukalang pondo.
Kabilang sa mga inireklamo ni Tagle sa Ombudsman ay sina Kagawad Tricia Pilar, Cayetano Tamayo, Katherine Marcos, Charmaine Deuna, Jinger Anne de Jesus at SK Chairman Jane Pauline Diaz.
Bago nito, ilang beses na rin daw siyang nagtangka na makipag-ugnayan sa kanyang mga Kagawad ngunit hindi rin daw siya pinansin ng mga ito.
Sumubok na rin umano siya na magpatulong kay Mayor Joy Belmonte at DILG Usec. Cito Valmocina ngunit patuloy sa pagmamatigas na aprubahan ang kanilang budget.
Ayon sa Kapitan, ang pagtanggal umano niya sa dating treasurer ang dahilan kung bakit iniipit ng kanyang mga kagawad ang panukalang budget.
Hinihingi umano ng kaniyang mga kagawad na ibalik ang dating treasurer na si Lolita Ismael ngunit dahil sa kawalan umano ng respeto nito sa kasalukuyang kapitan ang dahilan kung bakit ayaw niya itong muling ilagay sa pwesto.
Inakusahan din ni Chairman Tagle ang mag-asawang Congw. Marivic Co-Pilar at asawa niya na si QC Councilor Banjo Pilar na umano’y nangingialam sa pagpapatakbo ng Barangay Pasong Tamo.
Si Konsehal Banjo Pilar ay nagsilbing Kapitan ng Pasong Tamo ngunit umakyat sa City Council matapos manalo bilang konsehal ng lungsod noong 2022 Election at umakto bilang kapitan si Tagle dahil siya ang number 1 na barangay kagawad. | ulat ni Michael Rogas