Pinalutang ni Senador Robin Padilla ang posibilidad na ilagay ang probinsya ng Negros Oriental sa ilalim ng military control sa gitna ng nagaganap na serye ng political killings sa lugar.
Ipinunto ni Padilla, na sa ilalim ng konstitusyon ay pinapahintulutan ang pangulo ng bansa na mag-take over sa isang lugar na pinamumugaran ng karahasan at kaguluhan, at atasan ang militar na ayusin ang lugar.
Para sa senador, tila isang bulkan na naghihintay lang sumabog ang problema sa Negros Oriental.
Kaya naman marahil aniya ay napapanahon nang tawagin ang militar para mapahupa ang sitwasyon doon.
Sumang-ayon naman si Pamplona Mayor Janice Degamo, na biyuda na ni Governor Roel Degamo, sa mungkahi ni Padilla na napapanahon ang “military control” bagama’t hindi aniya sa punto ng martial law. | ulat ni Nimfa Asuncion