Ikinalulugod ni Ang Probinsyano Party-list Representative Alfred delos Santos ang pagpapalawig sa SIM Registration.
Mula sa orihinal na April 26 deadline ay binigyan ng 90-araw na dagdag palugid o hanggang July 25 ang publiko na irehistro ang kanilang mga SIM card salig sa SIM Registration law.
Nanawagan naman ang mambabatas sa mga telecommunication company at sa Department of Information and Communications Technology na padaliin ang proseso ng registration para sa publiko.
Kabilang dito ang pagtanggap sa iba pang identification documents gaya ng barangay certification na may barcode o kaya ay 4Ps ID bilang patunay ng pagkakakilanlan kapag nagparehistro.
Mungkahi pa ng party-list solon na magdagdag ng customer service representatives ang mga telco na mag-aasikaso sa mga subscriber na magpaparehistro.
Dapat din aniya ay buksan na ng mga telco ang kanilang mga business o service center bilang registration sites lalo na para sa mga walang access sa internet.
Batay sa datos ng National Telecommunications Commission (NTC), umaabot na sa 87,442,982 ang kabuuang bilang ng SIM cards ang nairehistro hanggang nitong April 24. | ulat ni Kathleen Jean Forbes