Nagsasagawa na ng Pre-Disaster Risk Assessment ang Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO) Operations Center kasama ang mga miyembro ng DRRM Technical Working Group kaugnay sa bagyong Amang.
Partikular na tinalakay sa pulong ang potensyal na epekto at pangunahing pagtugon sa mga operasyon sa sandaling maramdaman na ang epekto ng bagyo.
Batay sa ulat ng PAGASA, ang Tropical Depression Amang ay kasalukuyang nasa kanlurang bahagi ng karagatan ng Catanduanes.
Ito ay kasalukuyang kumikilos pa-Kanluran sa bilis na 30 kilometro bawat oras, at inaaasahang kikilos pa-kanluran o Kanluran Hilagang-Kanluran patungong rehiyon ng Bicol sa susunod na 24 oras.
Pagtaya ng PAGASA, maaari itong humina at maging low pressure area sa hapon ng Huwebes o Biyernes ng umaga.
Sa Quezon City, asahan ngayong araw ang katamtamang kaulapan na papawirin na may tsansa ng kalat-kalat na pag-ulan na maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng localized thunderstorm. | ulat ni Rey Ferrer