Quality time, aatupagin ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin matapos magretiro sa serbisyo sa Lunes

Facebook
Twitter
LinkedIn

Handa nang harapin ni Philippine National Police (PNP) Chief, P/Gen. Rodolfo Azurin Jr ang bagong buhay matapos ang kaniyang pagreretiro sa Lunes, April 24.

Sa panayam kay Azurin matapos ang groundbreaking para sa itatayong briefing room ng PNP Public Information Office at PNP Press Corps sa Kampo Crame, sinabi niyang babawi siya sa kaniyang pamilya.

Aminado si Azurin na marami siyang pagkakautang sa kaniyang pamilya lalo’t ibinuhos niya ang 34 na taon ng kaniyang buhay sa paglilingkod bilang pulis kaya’t marapat lamang na ito naman ang kaniyang pagtuunan ng pansin.

Bagaman hindi naman isinasara ni Azurin ang pintuan na muling paglingkuran ang bayan sa ibang paraan, kaniyang binigyang-diin na sa nakalipas na 10 buwan ng kaniyang termino, wala siyang pinagsisisihan at taas noo siyang aalis sa puwesto.

Ngayong araw, nakatakdang mamaalam si Azurin bilang PNP Chief sa Police Regional Office 1 kung saan siya huling nagsilbing pinuno bago maitalaga sa puwesto at saka tutungo sa Philippine Military Academy (PMA) para sa kaniyang testimonial parade.

Kasunod niyan, pinayuhan naman ni Azurin ang papalit sa kaniya na maging matibay at matatag sa paharap sa mga malalaking hamon kung nais nito na magpatupad ng pagbabago sa kanilang hanay tulad ng kaniyang ginawa. | ulat ni Jaymark Dagala

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us