Naghain si Senadora Risa Hontiveros ng isang resolusyon para bigyang pagkilala si pumanaw na dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario.
Sa kanyang inihaing Senate Resolution 572, kinilala ni Hontiveros ang kontribusyon ni Del Rosario sa pagdepensa ng national interest ng Pilipinas, sa kapakanan man ng Overseas Filipino Workers (OFWs) o ang security interest ng bansa.
Inilarawan ni Hontiveros ang dating kalihim bilang isang hands-on diplomat, mild mannered pero may paninindigan at kinatawan aniya nito ang bansa nang may karangalan at dignidad.
Nakasaad sa resolusyon ang pag-alala sa naging papel ni Del Rosario sa naging tagumpay ng Pilipinas sa Ruling ng the Hague noong 2016 na kumilala sa legitimate rights ng Pilipinas sa West Philippine Sea alinsunod sa prinsipyo ng United Nations Convention of the law of the Sea o UNCLOS.
Sinabi ni Hontiveros na ipinakita ni Del Rosario sa mundo na ang bansang tulad ng Pilipinas ay may kakayahang protektahan ang karapatan nito sa sariling teritoryo kahit ang kalaban ay global giant tulad ng China. | ulat ni Nimfa Asuncion