Arestado ang isang lalaki sa Quezon City na umano’y sangkot sa talamak na pagnanakaw ng mga cellphone at bag.
Kinilala ni Police Lt. Col. Romil Avenido, hepe ng La Loma Police Station, ang suspect na si Rommel Jhon Infante.
Ayon kay Avenido, habang inaantay ng biktima ang kanyang asawa sa tapat ng isang bangko sa Banawe St., Brgy. Lourdes, biglang hinablot ng suspect ang sling bag nito habang nakasakay sa motor.
Nagsumbong sa mga pulis ang isang concerned citizen kaya naglunsad sila ng Oplan Sita sa kahabaan ng Banawe Street
Tinangkang ng suspect na iwasan ang checkpoint subalit bumangga ang kanyang motor sa poste at agad na nahuli ng mga pulis.
Positibo siyang kinilala ng biktima sa crime scene at narekober ang sling bag na may laman na cellphone at pera.
Nahulihan din si Infante ng isang baril at anim na gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱40,800.
Dagdag ni Avenido, sangkot umano ang lalaki sa magkasunod na insidente ng pagnanakaw ng cellphone sa Quezon City at Caloocan noong April 1.
Aniya, may dalawa pa kasamahan ang suspect na kadalasang nambibiktima sa Pasay City at Taguig City.
Nagpositibo rin si Infante sa isinagawang drug test.
Aminado si Infante sa pagnanakaw dahil sa hirap ng buhay.
Nahaharap siya sa mga kasong robbery, illegal possession of firearms and ammunition, at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang patuloy pang pinaghahanap ang dalawang kasabwat. | ulat ni Bernard Jaudian Jr.
?: QCPD PS-1