Sagot ni Abalos kay Azurin: Ang video ang nagsabi sa kung anong nangyari

Facebook
Twitter
LinkedIn

Sinagot ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. ang pahayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., na walang nangyaring cover-up sa operasyon kung saan narekober ang 990 kilo ng shabu.

Sa isang statement na ipinadala sa mga mamamayahag sa Camp Crame, sinabi ng kalihim na sa batas may prinsipyong “res ipsa loquitur”, o “the thing speaks for itself”.

Ayon sa kalihim, ang mismong video ng operasyon ang nagsasabi kung ano ang nangyari.

Ang video na tinutukoy ng kalihim ay ang CCTV footage sa labas ng lending agency na pag-aari ni Police Master Sergeant Rodolfo Mayo noong araw na narekober ang 990 kilo ng shabu, na kanyang iprinisinta noong nakaraang linggo.

Dito ay pinangalanan ni Abalos ang ilang mga opisyal at tauhan ng PNP, na pinagpapaliwanag tungkol sa mga mistulang anomalya sa operasyon.

Sinabi ng kalihim na nirerespeto niya si Gen. Azurin, pero naniniwala siya na sasangayon ang Heneral na kailangang malaman ng publiko ang katotohanan, hindi lang sa 42 kilo ng kinupit na shabu kung hindi kung ano ang nangyari sa 900 kilong nakumpiska.

Sinabi pa ng kalihim, na tiwala siya na iimbestigahang mabuti ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang insidente. | ulat ni Leo Sarne

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us