Kinausap ni Senador Raffy Tulfo si National Electrification Administrator (NEA) Antonio Almeda upang pag-usapan ang energy crisis sa Occidental Mindoro na isinailalim sa state of calamity dahil sa 20 oras na araw-araw na pagkawala ng kuryente doon.
Sa naturang pag-uusap ay hiniling aniya ni Almeda na bigyan siya ng hanggang tatlong linggo para makapaglatag ng konkretong solusyon sa naturang problema.
Binahagi ni Tulfo na kabilang sa mga hakbang na ginawa na ng NEA ay ang manghingi ng Certificate of Exemption (COE) mula sa Department of Energy (DOE) para payagang makapasok sa Emergency Power Supply Agreement (EPSA) ang OMECO; pag-request ng modular gensets mula Mindanao; at paghingi ng tulong na makapagbigay ng kuryente mula sa Oriental Mindoro patungong Occidental Mindoro.
Nag-request na rin aniya ang NEA sa DOE at Department of Finance (DOF) na alisin na ang restriction sa susunod na pag-secure ng loan ng National Power Corporation (NPC) para magamit na ito sa pangkalahatang missionary electrification areas.
Tumawag na rin ang mambabatas sa Malacañang para humingi ng appointment para personal na makausap si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. tungkol sa usaping ito. | ulat ni Nimfa Asuncion