Pinaglalatag ni Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng kinakailangang plataporma para sa mga marginalized local government units (LGUs) na i-automate ang kani-kanilang operasyon kabilang ang tax administration.
Ayon kay Gatchalian, mahalaga na ang lahat ng mga LGU, lalo na ang mga nasa lower income class level, ay mayroong mga kinakailangang technology tools na magbibigay-daan sa kanila na ma-automate ang kanilang operasyon.
Ginawa ni Gatchalian ang panawagan habang inaayos ng Senate Committee on Ways and Means, ang mga probisyon ng panukalang real property valuation reform measure na inaasahang magpapabilis sa pag-automate o digitalization ng mga LGU sa buong bansa.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang pag-automate ng mga operasyon ng LGU ay naglalayong mapagbuti ang pangongolekta ng buwis at iba pang mga serbisyo publiko.
Sa ngayon ay nasa 68% lamang ng mga LGU sa bansa ang automated o digitized ang operasyon.
Habang ang natitirang 32%, na karamihan ay 5th at 6th-class municipalities ay walang real property assessment-related system. | ulat ni Nimfa Asuncion