Sinimulan na rin ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na maglatag ng mga hakbang bilang paghahanda sa posibleng epekto ng pagtama ng El Niño sa mga sakahan ng tubo sa bansa.
Sa gitna na rin ito ng pangamba ng ilang sugar producers na mabawasan ng 10-15% ang lokal na produksyon ng asukal dahil sa El Nino
Ayon kay SRA Board Member Pablo Azcona, inaasahan ring malaki ang magiging epekto sa costing ng mga sugarcane farm dahil sa pangangailangan ng mas maraming patubig sa panahon ng tagtuyot.
Kabilang naman sa mga proposal na ng SRA ang paglalagay ng solar pump sa mga malalaking sakahan, pagbibigay ng irrigation equipment at pagsasagawa ng cloud seeding sa mga maliliit na sugar cane farm.
Posible naman aniyang maramdaman ang epekto ng El Niño sa mga sakahan sa susunod na crop season o sa setyembre.
Sa ngayon bumubuo na ng production report ang SRA para matukoy kung mangangailangan ng dagdag na importasyon sa asukal.
Samantala, tuloy tuloy naman ang isinasagawang consultative meeting ng SRA sa mga stakeholder nito para sa pagtatakda ng SRP sa asukal para sa local at imported na asukal.
Batay sa monitoring ng DA Bantay Presyo, naglalaro sa ₱86-₱110 ang kada kilo ngayon ng refined sugar, habang ₱80-₱95 naman sa washed sugar. | ulat ni Merry Ann Bastasa