Suspek sa pagpatay sa isang senior citizen sa QC, huli sa isinagawang follow-up ops sa Caloocan

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nahuli sa follow-up operation ng pulisya sa Caloocan City ang isang lalaki na umano’y sangkot sa pagpatay sa kapitbahay na babaeng senior citizen sa Novaliches, Quezon City.

Kinilala ni PLtCol. Jerry Castillo, hepe ng QCPD Station 4, ang suspek na si Jason De Guzman.

Nakalista siya bilang Top 5 Most Wanted person ng naturang istasyon.

Ayon kay Castillo, April 15 ng gabi nakipag-inuman si De Guzman kasama ang dalawa pang lalaki at bumatak ng shabu.

Nitong April 16, alas-5 ng umaga, nakita niyang nagdidilig ng mga halaman ang biktimang si Nenita Tan at bago makapasok ng bahay ay hinampas umano ng maraming beses sa ulo ang ginang.

Pinaniniwalaang pinatay si Tan matapos niyang mamukhaan ang suspek habang gumagamit ng iligal na droga.

May mga ninakaw pa umano na mga alahas at pera mula sa biktima.

Sa tulong ng mga kapitbahay na nakasaksi sa krimen, natunton ng mga pulis ang suspek sa Caloocan City.

Dagdag ni Castillo, matagal nang sangkot umano si De Guzman sa pagnanakaw sa Novaliches para ipambili ng alak at iligal na droga.

May warrant of arrest din siya sa kasong sexual abuse matapos umano molestyahin ang kapitbahay na 14 na taong gulang na dalaga nitong July 2022.

Giit naman ni De Guzman na “look out” lamang siya at hindi siya ang mismong pumatay sa senior citizen.

Sa kabila nito, aminado siya sa paggamit ng iligal na droga.

Pinaghahanap pa ng pulisya ang dalawang kasamahan ni De Guzman. | ulat ni Bernard Jaudian Jr.

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us