Umaaray na rin ang ilang nagtitinda sa carinderia dahil sa paggalaw ng presyo ng bigas.
Si Ate Laila na nagtitinda sa Project 6 sinabing nasa ₱30 ang itinaas sa kanilang binibiling 25 kilos na bigas o higit piso kada kilo.
Dahil sa taas-presyo ng bigas, kanya-kanyang diskarte ang mga nagtitinda na gaya ni Kuya Jeff, ng J-Js Eatery na nagtaas na ng panindang kanin.
Mula sa ₱10 ay itinaas na raw nila sa ₱12 ang kada takal ng kanin maging ang fried rice na tinda tuwing almusal.
Nakiusap na lang umano sila sa kanilang mga suki kesa bumili ng mas murang bigas na hindi na kagandahan ang kalidad.
Wala ring nasasayang na kanin sa mga carinderia dahil ang mga kaning lamig ay kanilang ipinangsasahog sa sinangag.
Una nang sinabi ng Department of Agriculture na ang mataas na farm gate price ang dahilan kung bakit may adjustment sa bentahan sa bigas ngayon sa ilang pamilihan. | ulat ni Merry Ann Bastasa