Pinakokonsidera ni AGRI Party-list Representative Wilbert Lee sa Land Transportation Office (LTO) na huwag nang mag-isyu ng temporary driver’s license.
Aniya sayang lang sa pera ang pag-iimprenta ng lisensya na di-papel lang naman.
Para sa mambabatas, sapat na ang official receipt bilang patunay na maaaring magmaneho o aprubado ang lisensya ng driver.
“The official receipt should be enough. Huwag na natin dagdagan ang gastos at mag-print pa ng temporary driver’s license na naka-print sa papel lang. This is a call not only for the LTO, but for all card-issuing agencies as well. Kung kaya naman nang patunayan ng official receipt, huwag na tayo gumawa ng temporary card,” saad ni Lee.
Kung matatandaan, inamin ng LTO na mauubos na ngayong buwan ang mga plastic card na ginagamit sa paggawa ng lisensya.
Kaya maliban lisensya na naka-imprenta sa papel, ay palalawigin din ng LTO ang validity ng mga driver’s license na kailangan ng i-renew.
Paalala ni Lee, limitado ang pondo ng pamahalaan kaya’t dapat ay maging masinop sa paggamit nito.
“Hindi unli ang pera ng pamahalaan. Temporary licenses are a wasteful and unnecessary response to the problem. Masasayang lang ang milyun-milyong papel, ink, kuryente at effort sa pag-print ng mga ito,” ayon sa kongresista. | ulat ni Kathleen Jean Forbes