Agad napakinabangan ang dalawang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) Sites sa isinasagawang Search and Rescue Operations para sa mga nawawalang divers sa Tubbataha reef.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Jorry Baclor, tatlong US Air assets na naka-istasyon sa Antonio Bautista Air Base, Puerto Princesa at Benito Ebuen Air Base sa Mactan, Cebu ang kasalukuyang ginagamit sa paghahanap ng apat na nawawalang Pilipinong divers matapos na lumubog ang M/Y Dream Keeper noong Abril 30.
Ang pinagsanib na operasyon ng US at Pilipinas gamit ang mga EDCA sites ay sa request ng pamahalaan.
Sa panig ng AFP Western Command (Wescom), dineploy ang Philippine Navy vessel BRP Carlos Albert (PC-375); isang Philippine Air Force (PAF) Sokol Helicopter at isang Phil. Navy AW109E Helicopter para tumulong sa search and rescue Operations.
Nagpadala rin ng dalawang aluminum boats ang Tubbataha Reef National Park (TRNP) para tumulong sa SAR operations ng dalawa pang dive boats, M/Y Monsy at M/V Sport Palau. | ulat ni Leo Sarne
?: AFP