Aabot sa 41 mga residente sa Quezon City ang nakatanggap na ng titulo ng kani-kanilang lote mula sa mga programang palupa ng pamahalaang lungsod.
Personal na iniabot ni QC Mayor Joy Belmonte ang titulo ng lupa sa mga residente bilang mandato na mabigyan ng kasiguraduhan ng pabahay sa lungsod.
Ang inisiyatibong ito ay bahagi ng programang ‘Direct Sale’ sa ilalim ng Socialized Housing Projects ng QC na naglalayong mabigyan ng maayos at abot-kayang pabahay ang mga nangangailangan.
Ang ‘Direct Sale’ ay magsisilbing paraan upang maging lehitimong may-ari ng lupa ang mga residente na matagal nang naninirahan sa lote sa kundisyong mabayaran ang halaga o katumbas na presyo ng lupa alinsunod sa terms of payment ng siyudad. | ulat ni Merry Ann Bastasa