Sinalakay ng mga tauhan ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) sa pangunguna ni PLt. Col. Jay Guillermo ang isang Business Process Outsourcing (BPO) Company sa Pasig ngayong umaga.
Sa report na ipinadala ni ACG Spokesperson Police Capt. Michelle Sabino, nagpatupad ng Search Warrant ang mga pulis sa Realm Shifters Business Process Outsourcing Services, Unit 2, 5th Floor, Betheland Bldg. #10 Mercedes Avenue, San Miguel, Pasig City ngayong alas-10 ng umaga.
Ang warrant to search, seize and examine computer data (WSSECD) ay inisyu ng RTC Br 159, Pasig City dahil umano sa paglabag sa Section 4 o Misuse of Devices ng RA 10175 o Anti-Cybercrime Law.
Target ng operasyon ang rehistradong may-ari ng BPO na si Jeniffer Mangubat Salvador, mga Manager, Team Leader, Operator at tauhan ng naturang kumpanya.
Ito’y makaraang ireklamo ang mga empleado ng naturang kumpanya na sangkot sa harassment, pananakot, pagbabanta at ilegal na paggamit ng personal na impormasyon ng mga biktima para umutang sa ibang lending agency.
Kasalukuyang nagsasagawa ng on-site Digital Forensic Examination sa mga computer ng BPO ang mga tauhan ng ACG. | ulat ni Leo Sarne
:Contributed