Nagpatuloy ngayong araw ang simultaneous payout activities sa cash-for-work beneficiaries na nawalan ng kabuhayan dahil sa oil spill sa Oriental Mindoro.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), aabot sa 8,179 na benepisaryo ang makatatanggap ng sahod na P5,325 kapalit ng kanilang serbisyo sa clean up ng oil spill sa kani-kanilang mga lugar.
Karamihan sa mga benepisaryo ay mula sa munisipalidad ng Gloria, Roxas, Bongabong, Bansud, Baco, San Teodoro, Victoria at Socorro.
Pinasimulan ang payout activities noong Mayo 11 sa mga bayan ng Mansalay, Pola at Bulalacao.
May kabuuang 8,652 cash-for-work beneficiaries ang unang nabigyan ng benepisyo sa nabanggit na mga munisipalidad.
Sabi pa ng DSWD, asahan pa raw ang payout activities sa iba pang lugar ng lalawigan hanggang sa Biyernes. | ulat ni Rey Ferrer