Inilatag na ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina ang iba’t ibang protocol at sistema bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Habagat na paiigtingin ng bagyong Betty.
Ayon sa city government, naka-preposition na ang evacuation camps para sa mga residente na kakailanganing lumikas sakaling lumakas ang ulan.
Ang bawat camp ay mayroong nakatalagang camp management team na magbibigay ng pangunahing pangangailangan ng evacuees tulad ng beddings, hygiene kits, inuming tubig at pagkain.
Kasabay nito, handa na ang suplay ng malinis na inuming tubig at pagkain na ipamamahagi sa evacuation camps.
Magpapadala rin ng mga doktor at medical personnel upang magbigay ng libreng check-up at gamot.
Bukod dito, may nakahandang mga kulungan para maging pansamantalang tirahan ng mga alagang hayop na isasama sa paglikas. | ulat ni Hajji Kaamiño