Tuloy-tuloy pa rin ang pagproseso ng mga aplikante dito sa kauna-unahang Cooperatives Job Fair na binuksan sa harap ng Quezon City Hall.
As of 12NN kanina ay nasa higit 200 aplikante na ang nagrehistro para makilahok at mag-apply sa iba’t ibang mga trabahong alok ng mga labor service cooperative.
Ayon kay Pedro Defensor Jr, NCR Regional Director ng Cooperative Development Authority, karaniwang mga skilled jobs ang pinipilahang trabaho gaya nalang ng mga housekeeper, sales associate, customer service associate at warehouseman.
Kahit mga high school graduate ay tinatanggap rin basta makapasa sa interview.
Paliwanag naman ng CDA, walang hired-on-spot sa naturang job fair dahil inisyal na interview process pa lang ang dadaanan ng mga aplikante.
Ipinunto naman ni RD Defensor Jr, na bukod sa trabaho, mabibigyan din ng oportunidad ang mga aplikante na maging miyembro ng isang kooperatiba kaakibat ang mga benepisyo nito gaya ng pautang.
Dahil naman mainit ang panahon, ay nasa 20 na ring aplikante ang nagpakonsulta sa libreng medical consultation na naka-set up sa naturang job fair. Ang ilan sa kanila ay nahilo lang o sumakit ang ulo habang may dalawang tumaas ang presyon na agad ring binigyan ng maintenance na gamot.
Magtatagal ang Cooperatives Job Fair sa City Hall hanggang mamayang alas-4 ng hapon. | ulat ni Merry Ann Bastasa