Bukas ang ilang nagtitinda ng gulay sa Mega Q-Mart na sumunod sa inirekomendang suggested retail price sa sibuyas kung bababa ang puhunan nito.
Ngayong linggo, target ng Department of Agriculture (DA) na maipatupad ang ₱140/kg na SRP sa puting sibuyas at P
₱150/kg sa pulang sibuyas.
Ito ay kasunod ng commitment na ibababa na rin ang cold storage price o wholesale price sa ₱115 kada kilo para sa pulang sibuyas habang ₱100 naman sa puting sibuyas.
Sa Mega Q-Mart, naglalaro ngayon sa ₱170-₱180 ang presyo ng panindang pula at puting sibuyas.
Ayon naman sa ilang vendor na nakapanayam ng RP1 team sa Mega Q-Mart, kung walang magiging pagbabago sa kuha nila ng sibuyas sa ngayon ay malabo aniyang makasunod sila sa SRP.
Puhunan pa lang daw kasi ang ₱150 at kung ito rin ang bentahan sa mamimili ay malulugi lang daw sila.
Pero kung ibababa raw ang puhunan ay kakayanin naman nilang ibaba rin ang benta sa hanggang ₱140 ang kada kilo.
Una na ring sinabi ng DA na kasabay ng pagpapatupad ng SRP ay paiigtingin nila ang pakikipag-ugnayan sa Local Price Coordinating Council para masolusyunan ang mga nagmamanipula sa presyuhan ng sibuyas. | ulat ni Merry Ann Bastasa