Nagsimula na rin ang isang buwang bakunahan sa mga bata sa Quezon City laban sa mga sakit na tigdas, rubella at polio.
Ito ay bilang pakikiisa sa kampanyang Chikiting Ligtas ng DOH para sa mga batang edad apat pababa.
Pinangunahan nina DOH Metro Manila Center for Health Development ARD Dr. Pretchell P. Tolentino at ni QC Vice Mayor Gian Sotto ang paglulunsad ng programa sa Sitio Militar sa Brgy. Bahay Toro sa Quezon City kung saan hinikayat ang mga magulang na bigyan ng supplemental immunization ang kanilang mga anak.
Ayon kay Asst Regional Dir. Tolentino, pinaiigting na ang bakunahan kontra tigdas, rubella at polio upang maiwasan na umabot pa sa epidemic level ang bansa lalo’t nagkaroon ng mataas na bilang ng mga kaso nito noong nakaraang taon.
Sa ngayon, inuuna ng DOH ang mga lugar na may malalaking populasyon kabilang ang Brgy. Bahay Toro.
Tinatarget naman ng DOH na maabot ang 95% sa supplemental immunization sa mga bata sa buong Metro Manila sa loob ng isang buwang bakunahan.
Katumbas ito ng 960, 244 na mabakunahan kontra measles at rubella habang 1.1 milyon naman na mabakunahan kontra polio.
Kaya handa rin ang DOH na magbahay-bahay para masigurong mabibigyang proteksyon ang mga kabataan laban sa mga banta ng mga naturang sakit. | ulat ni Merry Ann Bastasa