Umapela ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pribadong sektor at mamamayan, na magtulungan para maprotektahan ang mga kabataan sa banta ng online sexual abuse at pagsasamantala.
Ginawa ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang panawagan kasabay ng paglulunsad ng Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa Republic Act No. 11930, na kilala rin bilang Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children at Child Sexual Abuse o Exploitation Materials Act.
Inilarawan ng kalihim ang paglagda sa IRR bilang isang makabuluhang paglalakbay patungo sa pagpapahusay ng proteksyon sa mga bata laban sa online na pang-aabuso.
Mananatili aniyang magbabantay ang DSWD sa pagtiyak na mahigpit na maipapatupad ang mga probisyon ng batas at hindi kailanman maaabuso.
Gayundin, patuloy ding gagawa ang ahensya ng mga kaugnay na plano, patakaran, at mga programa na tutugon para sa mas mabuting proteksyon, recovery at reintegration ng victim-survivors.
Ayon sa Child Rights Network, ang paglulunsad ng IRR ay nagbabadya ng isang groundbreaking milestone sa pakikipaglaban ng Pilipinas sa Online Sexual Abuse and Exploitation of Children.
Naging ganap na batas ang panukala noong Hulyo 30, 2022. | ulat ni Rey Ferrer