Sa kabila ng mga pag-ulan na dulot ng bagyong Betty ay patuloy pa rin ang pagbaba ng lebel ng tubig sa ilang dam sa Luzon.
Batay sa update ng PAGASA Hydrometeorology Division, kaninang alas-6 ng umaga ay bumaba pa sa 190.35 meters ang lebel ng tubig sa Angat Dam.
Nabawasan pa ito ng 19 sentimetro kumpara sa 190.54 meters water elevation kahapon.
Bukod sa Angat dam, nabawasan din ang imbak na tubig sa Ipo dam na nasa 99.13 meters mula sa 99.25 meters kahapon.
Mas mababa na ito sa maintaining level ng dam na 101 meters.
Nadagdagan naman ang antas ng tubig sa La mesa Dam, Ambuklao, Binga dam, San Roque, Pantabangan at Caliraya dam. | ulat ni Merry Ann Bastasa