Inorganisa ng lokal na pamahalaan ng Zamboanga sa pamamagitan ng City Health Office ang paggunita ng International AIDS Candlelight Memorial na isinagawa sa Paseo del Mar, lungsod ng Zamboanga kamakailan.
Kabilang sa mga nakilahok sa naturang aktibidad ang mga medical practitioner, health workers, mga advocate at stakeholders sa lungsod.
Layon ng candlelight memorial na gunitain ang mga nasawi nang dahil sa HIV-AIDS, paggalang sa mga taong namumuhay sa naturang sakit, at mga volunteer na isinusulong ang adbokasiya laban sa HIV-AIDS at pag-destigmatize ng nasabing sakit.
Ayon kay City Health Officer Dr. Dulce Miravite, hinihimok nito na tanggalin ang stigma at diskriminasyon sa mga taong namumuhay sa sakit na HIV at pairalin ang pagmamahal, pagkakaisa, at pag-asa para sa mga ito.
Binigyang-diin naman ni Department of Health Region IX HIV/AIDS Program Regional Coordinator Clarissa Jose na hindi ‘death sentence’ ang sakit na HIV dahil maaari itong magamot hangga’t na-detect ito nang maaga.
Ito ay matapos makapagtala ng tumataas na kaso ng naturang sakit sa lungsod ng Zamboanga.
Aniya nagbibigay ng libreng HIV testing ang CHO at ang treatment hub sa Zamboanga City Medical Center.
Inaasahan din ani Jose na magbubukas ng dalawang karagdagang treatment hubs sa lungsod kabilang na ang Labuan District Hospital sa West Coast at ang Mindanao Central Sanitarium sa East Coast ng Zamboanga City. | ulat ni Justin Bulanon | RP1 Zamboanga