Ipinangako ng National Housing Authority na bibigyan ng bagong tahanan ang mga pamilyang naninirahan sa gilid ng Estero de Magdalena sa Binondo, Manila.
Inatasan na ni NHA General Manager Joeben Tai si NHA West Sector Officer-in-Charge Daniel Cocjin na makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Maynila at agarang iproseso ang relokasyon ng mga pamilya.
Ayon sa NHA, may kabuuang 40 pamilyang naninirahan sa kahabaan ng Estero de Magdalena.
Ginawa ito ng NHA, matapos ang nangyaring insidente ng mabagsakan ng isang puno ang ilang kabahayan sa tabi ng creek .Tatlo ang namatay dito at marami pa ang nasaktan .
Ayon sa NHA, ang pamamahagi ng pabahay sa informal settler families na naninirahan sa mga daluyan ng tubig at mga delikadong lugar sa Metro Manila, tulad ng estero, sapa, ilog at riles, ay isang prayoridad na programa ng NHA.
Nauna nang nagbigay ng agarang tulong ang NHA sa mga pamilya ng mga nasawi at nasaktan pagkatapos ng trahedya. | ulat ni Rey Ferrer