Nasa kustodiya na ng Manila International Airport Authority (MIAA) Police Department ang isang miyembro ng Salisi Gang matapos na mambiktima ng isang overseas Filipino worker (OFW) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Kinilala ni NAIA Police Intelligence and Investigation Division Chief, Colonel Levy Jose ang suspek na si Juvy Banaag, 49 anyos na gumagamit din ng iba’t ibang pagkakakilanlan.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, galing Spain ang biktima at lumapag ito sa NAIA dahil may connecting flight siya patungong Zamboanga City.
Nangyari ang insidente kaninang umaga kung saan, iniwan ng biktima sa suspek ang kaniyang push cart na naglalaman ng kaniyang mga maleta para bumili ng pagkain.
Pagbalik ng biktima sa lugar kung saan niya iniwan ang suspek ay wala na ito at tinangay na rin ang kaniyang mga bagahe.
Agad ipinagbigay alam ng biktima sa Airport Police ang insidente kung saan natunton ang suspek sa tinutuluyan nitong hotel sa Cubao, Quezon City.
Nakilala ang suspek sa pamamagitan ng mga kuha CCVT camera ng NAIA dahilan upang mabilis itong matunton na nagresulta sa kaniyang pagkakaaresto.
Nabatid na dati nang nakulong ang suspek noong 2018 dahil sa kahalintulad na kaso. | ulat ni Jaymark Dagala
?: NAIA Police Department