Nagsumite na ng motion to dismiss ang kampo ni suspended Congressman Arnolfo Teves Jr. sa DOJ sa mga reklamong illegal possession of firearms at illegal possession of explosives laban dito.
Ito ang naging hakbang ng kampo ni Teves matapos ipagpatuloy ngayong araw ng DOJ panel of prosecutors ang pagdinig sa nasabing reklamo na nag-ugat sa mga nasamsam na mga armas at baril sa bahay ni Teves sa Bayawan City.
Ayon sa abogado ni Teves na si Atty. Edward Santiago, iligal ang ginawang search and seizure ng pulisya.
Batay aniya sa testimonya ng kanilang mga testigo ay may raiding team o clearing team muna bago isinagawa ang aktwal na search sa bahay ng kongresista.
Iginiit ng abogado na iligal o ‘highly irregular’ ang nasabing proseso alinsunod sa mga batas.
Aniya, dahil sa iligal ang search ay inadmissible o hindi maaaring tanggapin bilang ebidensya ang mga nakumpiskang baril at armas.
Sinabi pa ni Santiago na inamin din mismo ng PNP sa kanilang reklamo na may mga Special Action Force personnel na nagsagawa ng clearing bago ang search sa ari-arian ni Teves.
Samantala, tinapos ng DOJ prosecutors ang hearing sa reklamo at idineklara na itong submitted for resolution. | ulat ni Lorenz Tanjoco