Iginiit ng Manila Police District na hindi nila kukunsintihin ang anumang maling gawain sa kanilang hanay.
Ito ay matapos mag-viral sa social media ang pulis na si Ramon Guina na nakadestino sa MPD dahil sa umano’y pag-aamok sa Navotas City nitong April 26.
Ayon kay MPD District Director PBGen. Andre Dizon, hindi sila makikialam sa imbestigasyon at walang mabibigyan ng special treatment.
Subalit, dapat din aniya na bigyan ng karapatan ang sangkot na pulis habang gumugulong ang imbestigasyon.
Lumabas sa inisyal na pag-iimbestiga ng Navotas City Police na sinita si Guina sa bahagi ng Brgy. NBBS-Proper dahil sa pagmamaneho ng tricycle na walang franchise sticker.
Ngunit imbes na tumigil ay nagpatuloy ito sa pagmamaneho kaya hinabol siya ng sumitang traffic enforcer sakay ng motor.
Nang magkaabutan ang dalawa sa Marala Bridge ay sinapak niya ang traffic enforcer sa labi at saka sinakal.
Rumesponde ang mga kasamahan ng traffic enforcer subalit naglabas ng baril ang pulis.
Kinalaunan ay rumesponde ang mga pulis at personal na nagpunta si Navotas City Mayor John Rey Tiangco hanggang sa maaresto si Guina. | ulat ni Bernard Jaudian Jr.