Pinulong na ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon ang kanilang Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC).
Ito ay bilang paghahanda sa epektong dulot ng Super Typhoon Mawar na tatawaging Betty pagpasok nito sa bansa.
Dito, inihayag ng Alkalde na nakahanda na ang lahat ng departamento sa lungsod gayundin ang mga barangay sakaling maramdaman na ang epekto ng bagyo.
Kasunod nito, hinikayat ni Mayor Biazon ang kanilang nasasakupan na maging mapagmatyag at mag-ingat sa paparating na bagyo na nasa kategoryang super bagyo.
Ipinag-utos na rin ng Office of the Building Official ng Muntinlupa sa mga may-ari at operator ng billboard, na irolyo o ibaba ang mga ito sa sandaling maglabas na ng Typhoon Wind Signal number 1 o anumang babala ang PAGASA. Samantala, wala pang anunsiyo ng kanselasyon ng klase ang Muntinlupa gayundin ang iba pang lungsod sa katimugang NCR tulad ng Taguig at Pasay. | ulat ni Jaymark Dagala