Nananatiling nasa top priority ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapaganda ng connectivity ng iba’t ibang lugar sa bansa, sa pamamagitan ng expansion at upgrading ng mga imprastraktura sa Mindanao.
Ito ang inihayag ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, matapos dumalo sa Mindanao Development Forum sa Davao City, ngayong araw.
Ayon kay Balisacan, mahalaga ang ginagampanang papel ng imprastraktura upang masuportahan nito ang mabilis na paglago ng ekonomiya ng Mindanao partikular na ang sektor ng pagkain at agrikultura.
Mula sa 194 na infrastructure projects na inaprubahan kamakailan sa ilalim ng Build Better More ng Administrasyong Marcos, nasa 51 na rito ang napakikinabangan at malapit nang mapakinabangan
Kabilang na rito ang Mindanao Irrigation Development Project, ang nagpapatuloy na upgrade sa General Santos Fish Port, ang Phase 3 ng Mindanao Development Project, bagong Zamboanga Airport, at Naawan-Opol-Cagayan de Oro – Villanueva Expressway.
Gayundin ang Cagayan de Oro Bus Rapid Transit, ang modernisasyon ng Davao at Zamboanga Public Transport System at ang pagtatayo ng Central Mindanao High Standard Highway. | ulat ni Jaymark Dagala