Sa gitna ng tumataas na COVID cases sa Metro Manila ay muling hinikayat ng pamahalaang lungsod ng Quezon ang pagsusuot ng face masks sa mga residente nito.
Sa isang memorandum, inatasan ni QC Mayor Joy Belmonte ang lahat ng departamento sa lungsod na muling paigtingin ang health at safeaty protocols kontra COVID-19 bilang pag-iingat lalo’t tumaas na ng higit 60% ang daily average ng COVID cases sa QC.
Nakapaloob sa naturang memo ang mahigpit pa ring pagpapatupad ng face mask policy sa loob ng healthcare facilities, enclosed at high density areas, at sa mga pampublikong transportasyon.
Hinihikayat rin muli ang pagsusuot ng face masks sa indoor at open venues sa Quezon City Hall compound lalo na sa mga unvaccinated, mga nakatatanda, may comorbidities, at immunocompromised.
Iniutos rin ang health monitoring sa mga trabaho at hinikayat ang mga empleyado na nakararanas ng anumang sintomas na sumailalim sa COVID-19 testing.
Pinatitiyak din na ang bawat workplace ay malinis at well-ventilated, at iwasan muna ang pagkain ng sama sama ng mga empleyado para mabawasan ang posibleng hawaan.
At, patuloy pa ring hinihikayat ang pagpapabakuna ng publiko kontra COVID-19.
Mananatili pa rin namang nakatutok ang Quezon City Health Department sa covid situation sa lungsod. | ulat ni Merry Ann Bastasa