Pinapayagan na ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pangingisda sa ilang bahagi ng karagatan na naapektuhan ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Batay sa pangkalahatang pagsusuri sa karagatan, nakitaan na ito ng mas mababang antas ng olycyclic aromatic hydrocarbons (PAHs) kumpara sa mga nakaraang test results.
Ayon sa BFAR, maaari nang makapangisda sa Cluster 4 o mga karagatan sa Bongabong, Roxas, Mansalay, Bulalacao at Puerto Galera, Baco at San Teodoro.
Samantala, nananatili pa ring ban sa pangingisda ang karagatan sa Cluster 1na binubuo ng Calapan, Naujan, Pola at Pinamalayan, Gloria at Bansud.
Sabi ng BFAR, may panganib pa rin ng kontaminasyon mula sa mga bakas ng langis na hindi pa naaalis sa lugar.
Tiniyak naman ng BFAR ang pag-monitor sa mga lugar na tinamaan ng oil spill para maobserbahan, at maging batayan ng kanilang rekomendasyon. | ulat ni Rey Ferrer