Bilang tugon sa kahilingan ng mga estudyante at guro, ipinatupad na ng Schools Division Office of Quezon City (SDO-QC) ang pagbabago sa teaching modalities dahil sa umiiral na matinding init ng panahon.
Pinahintulutan ng SDO-QC ang iba’t ibang paraan ng pagtuturo kabilang ang pinaikling panahon ng klase sa ilang pampublikong paaralan sa Quezon City.
Sinuportahan naman ni Mayor Joy Belmonte ang inisyatiba ng SDO-QC, na layong maprotektahan ang mga mag-aaral mula sa matinding init ng panahon.
Nakasaad sa inilabas na memorandum na kinakailangang mag-ulat ang mga school head ng kanilang delivery mode linggo-linggo depende sa pagbabago ng panahon gaya ng iniulat ng PAGASA.
Para sa unang linggo ng Mayo, sa 95 elementary school dalawa ang nagpatupad ng print modular, 13 ang blended, at 10 ang pinaikling panahon ng klase.
Samantala, sa 63 secondary school, dalawa ang nagpatupad ng print modular, 26 ang blended, at 8 ang pinaikling panahon ng klase.
Ang pinaikling panahon ng klase ay mula 6 AM hanggang 10:30 AM para sa morning batch, at 2 PM hanggang 6:30 PM para sa afternoon batch. | ulat ni Rey Ferrer