Nagpasalamat ang Pransya sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanilang partisipasyon sa Croix du Sud Multinational Military Exercise na pinangunahan ng French Armed Forces.
Sa pahayag ng French Embassy sa Manila, ang Pilipinas ay kabilang sa 19 na bansa na lumahok sa ehersisyo na isinagawa sa New Caledonia, sa South Pacific mula Abril 24 hanggang Mayo 6.
Ang dalawang linggong pagsasanay ay nilahukan ng 3,000 military at civilian personnel, 10 barkong pandigma, at 15 sasakyang panghimpapawid.
Nakasentro ang pagsasanay sa Humanitarian Assistance and Disaster Relief – HADR, kung saan nahasa ang interoperability ng mga pwersa ng magkakaibigang bansa sa pagtugon sa mga sakuna sa South Pacific.
Ang bulto ng mga dayuhang tropa na nakilahok sa ehersisyo ay nagmula sa Australia, US, United Kingdom, Fiji, New Zealand, at Tonga.
Ang Pilipinas ay isa sa walong bansa na nagpadala ng mga staff officer, kasama ang Canada, Germany, Indonesia, Netherlands, Papua New Guinea, Peru, at Singapore.
Habang lumahok din ang Brunei, Indonesia, Japan, at Malaysia bilang observer. | ulat ni Leo Sarne
: French Embassy