Nakaalerto na ang response cluster ng Lokal na Pamahalaan ng Pasig bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong “Mawar” sa bansa.
Ayon sa Pasig Public Information Office, on-call na ang mga tauhan upang i-deploy at nag-imbak na rin ng sapat na pagkain at non-food items.
Nakahanda rin ang city government na itaas ang alert level mula sa “White” Alert sakaling kailanganin.
Kaugnay nito, nagkasa na ng Joint Pre-Disaster Risk Assessment ang City Disaster Risk Reduction and Management Council at mga barangay.
Kabilang sa isinagawa ay ang ocular visits sa mga evacuation center, paghahanda sa pumping stations at “trimming” ng mga punong-kahoy.
Samantala, regular naman ang weather monitoring ng LGU pati na ang lebel ng tubig sa Marikina River upang maalerto ang DRRMC at personnel. | ulat ni Hajji Kaamiño