Para kay Marikina Representative Stella Quimbo ang ‘Sibuyas Queen’ na si Leah Cruz ang puno’t dulo ng price manipulation at hoarding ng sibuyas.
Sa ika-siyam na hearing ng House Committee on Agriculture and Food ay inilatag ni Quimbo kung ano ang modus ng grupo ni Cruz na siyang dahilan ng pagsipa sa presyo ng sibuyas ng hanggang P700 kada kilo noong 2022.
Sentro aniya ng ‘sibuyas cartel’ ang Philippine VIEV (Vegetable Exporters and Vendors Association Philippines, Inc.) Group of Companies na pagmamay-ari ni Cruz.
Ang mga kompaniya aniyang ito ay may kaugnayan sa local trading, importation, cold storage warehousing, at trucking.
Kaya’t sa madaling salita aniya ay hawak ng PhilVIEVA ang buong supply chain mula umpisa hanggang dulo.
“Dahil sa PhilVIEVA at ilang dummy companies, kayang-kaya ni Leah Cruz i-dikta ang magiging presyo ng sibuyas sa merkado at kung saan niya nais magbagsak ng supply, kung saan man whether sa Divisoria man o sa supermarkets,” sabi ni Quimbo.
Batay din sa pag-analisa ng general information sheet ng mga kompanya, lumalabas na pagmamay-ari ni Cruz ang Golden Shine, isang trucking business na stockholder din sa PhilVIEVA.
Isang Eric Pabilona na share holder din sa PhilVIEVA ay stockholder din sa Tian Long, na pinakamalaking cold storage ng sibuyas.
Si Renato Francisco, naman stockholder ng Yom Trading at La Reina, na pinakamalalaking importer ng sibuyas sa bansa.
Dalawang kompanya pa na Vegefru at Rosal na mga kompanya rin ni Cruz ay pasok din sa industriya ng sibuyas.
“Isang kompanya, ladies and gentlemen, na walang kita kung naaalala ninyo, isang kompanya na hindi regular na nagmi-meet, at isang kompanya na hindi alam ng mga incorporator kung ano ang purpose ng kumpanya nila. Kaya ang tanong ko Mr. Chair: baka kaya ito ang onion cartel? At ito ang dahilan kung bakit tumaas nang todo-todo ang presyo ng sibuyas last year. At baka nga dahil sa PhilVIEVA, the sibuyas queen is back or maybe was never out of commission,” diin ng lady solon.
Punto pa ng economist-solon na kung pagbabatayan ang datos walang malaking kakulangan sa suplay ng sibuyas noong panahon na sumipa ang presyo nito. | ulat ni Kathleen Jean Forbes